Thursday, July 21, 2005
SONAmbulist
Michael Francis C. Andrada
Apat at kalahating taon na pala ang sakit mo.
Magpadoktor ka na!
Bakit ayaw mo? Mayroon akong kakilala.
Psychiatrist, medical doctor, pati nga albularyo
Mayroon akong mairerekomenda.
Sayang naman kung hindi ka magpapagamot.
Lalong lalala ‘yan.
Tandaan mo:
Ang hipong tulog,
Tinatangay ng agos.
Ang naglalakad nang tulog,
Laging nauuntog.
Isipin mong mabuti, ikaw rin naman
Ang patuloy na mahihirapan.
Biruin mo, sabi mo sa akin nitong taon lang,
Pinirmahan mo ‘yung E-VAT
Nang hindi mo namamalayan.
Puwede ba naman iyon?
Kahit naman natutulog ang tao ay nag-iisip, di ba?
Sabi mo rin sa akin nito lang,
Habang tulog kang nagpapamasahe
Ay nagsasalita ka,
Na tataas pang lalo ang presyo ng sardinas,
Bigas, gasolina, tubig, kuryente, langis
At pamasahe.
Sige, hindi ko sasabihin sa iba.
Secret lang natin. J
Tapos sabi mo, kaya mo tinawagan si Garci
Ay gusto mong makatulog nang mahimbing
Nung eleksyon. Kasi nga, pagod na pagal ka
Sa pagtakbo at pagpapatakbo ng gobyerno.
E kinakabahan ka nung gabing ‘yun, di ba?
At kailangan mo ng kausap.
Kunsabagay, insomniac din ata si Garci.
Pero hindi naman ‘yun ang sakit mo, di ba?
A! Aksidente ang pagkaka-dial mo ng numero niya.
At, uy, totoo ba ‘yung sinabi mo kamakailan lang?
Na nakatutulog ka naman talaga nang mahimbing
Kahit wala ang iyong mabuting asawa,
At nasa ibang bansa rin ang iyong anak na artista.
Kunsabagay, andiyan naman si Nani, di ba?
Sabi mo rin katulad ka ng simpleng mamamayan:
Mahimbing na nakatutulog
Kahit mas malalakas ngayon ang barilan
Sa lungsod at kanayunan.
Uy, sa 2005 State of the Nation Address mo,
Kapag sinabi mong bawat Pilipino
Ay natutulog nang mahimbing gabi-gabi,
Baka naman hindi ka nakatulog talaga nang mahimbing.
Mahirap na.
Baka kinagabiha’y tulog mong binasa ang pinagawa mong speech.
Baka tulog kang maglakad papuntang Kamara.
Baka tulog kang humarap sa Kamera.
Aba! Baka ang sabihin mo na naman sa tao
Ay natutuwa ka’t malugod ka nilang sinalubong sa lansangan
At nagagalak kang hindi ka nila pinagbibitiw.
Alam mo,
Kung apat at kalahating taon na pala ang sakit mo,
Magpadoktor ka na!
Bakit ayaw mo? Mayroon akong kakilala.
Psychiatrist, medical doctor; pati nga albularyo
Mayroon akong mairerekomenda.
Sayang naman kung hindi ka magpapagamot.
Lalong lalala ‘yan.
Tandaan mo:
Ang nagpapalakad nang tulog
Ay nananaginip nang gising.
kelly.kili at 11:51 PM

















