Sunday, July 31, 2005
Aglahi sa Agosto
ni Mykel Andrada
Nanginginain ang manok ng bulate,
Habang kinakalahig ang lupang
Winalis-tingting ko kanina.
Nauna akong gumising sa tandang
At hinintay kong basagin ng tilaok
Ang iyong pagtulog
Upang ako’y iyong saluhan
Sa abang agahan.
Unang araw ng Agosto,
Unang taon nating magkapisan.
Isang taon ko nang pinatutubo ang malay
Sa aking bumbunan.
Pagkamulagat mo’y tinamaan ako
Ng iyong titig; diretso sa aking magkabilang
mata, ang tunay na durungawan
Ng aking kaluluwa. Nangaligkig
Ako sa lamig ng iyong titig,
Isang matamang pag-estima
Sa nakalundoy na pag-iisa:
Ang pagbibiyak ng dalawa.
Dalawang taon mo akong sinuyo,
Sa bukid, sa lilim ng puno ng mangga;
Suyuan sa tubig, suyuan sa palayan;
Lahat, palangga, ng aking sampung daliri,
Kamay at paa, dalawang tenga, dalawang mata,
Ilong – naglunoy sa putik tulad ng kabiyak
Mong kalabaw. Namantsahan
Ako ng lamig ng marumihan,
Isang matamang pagdukal
Sa lumulubog na pag-iisa:
Ang pagkalabusaw ng dalawa.
kelly.kili at 11:16 PM

















