p a k w a n g - p a n g i m a y - t u l a
p a k w a n g p a n g i m a y t u l a

Wednesday, December 01, 2004

Gusaling-Asukal
ni Michael Francis C. Andrada

Jesus Pamposa, 51, who suffered gunshot wounds in both legs,
said he saw snipers on one of the buildings in the sugar mill.
-- Philippine Daily Inquirer, Nobyembre 17, 2004

Habang pinapalis mo
Ang mga langgam
Na nagnanakaw
Ng mga butil ng asukal,

Nakapangalumbaba sa mesa
Ang iyong apo,
Nakatitig sa gusaling-garapong
Impukan ng pampatamis ng kape.

Bigla niyang itinanong
Kung gawa ba sa asukal
Ang mga gusali
Sa Central Azucarera de Tarlac.

Tumango ka
Habang pinipigil na pasungawin
Sa magkapatid na labi
Ang nabubulok mong mga ngipin.

Nakita mong naging kawan
Ng pulang langgam
Ang kaniyang galak,
Tinalunton ang iyong kaliwang braso,

Tumawid sa iyong balikat,
Inakyat ang iyong leeg,
At humapon sa iyong mga labi.
Nalasahan mong ubod ito ng tamis.

Sumunod niyang itinanong
Kung natutunaw ba ang mga gusali
Kapag nauulanan. Isinagot mo:
Dumadaloy na parang arnibal.

Nang araw na iyon, nang pupugin
Ng bala mula sa isang gusali
Ang iyong mga binti,
Naging itim na antik ang iyong galit,

Mabilis na tinungo at kinagat
Ang hinlalaki ng iyong apo.
Kinamot niya ito, nilawayan, kinamot.
Nagluwal ang kagat ng di-matimping pantal.

547PM DEC. 1
kelly.kili at 5:47 PM

email: manlabusaw@yahoo.com

maystar designsmaystar designsmaystar designs
Get awesome blog templates like this one from BlogSkins.com